Nang Mawalan ng Tinig ang Tagapakinig
Tungkol sa aking Spotify Wrapped, kay Billie Marten, at sa panibagong direksiyon para sa Tunugan
Dalawang taon na simula noong magsimula akong mag-blog dito sa Tunugan. Dalawang taon na rin iyon, bale, ng aking pagninilay-nilay tungkol sa aking Spotify Wrapped. Which is funny, kasi di naman ako natapos sa pagninilay-nilay ko sa 2022 (tingnan niyo, hanggang Part 2 lang, wala pa ‘yung third and last pop installment).
Maraming dahilan, pero hindi dahil tumigil ako sa pakikinig ng music, or pagiging interesado rito. Halos pareho lang din ang bilang ng oras ko last year and this year (minus give or take 100 hours); nag-explore daw ako ng 51 genres this year, at ang top artist ko nga ay ngayong taon ko lang din nadiskubre.
Mabilis na pangangatuwiran lang sa Top 2-5, dahil hindi naman tungkol sa kanila itong post na ito: pumalo si Sufjan Stevens near the end dahil sa Javelin (bagaman sabi sa akin ng Spotify, January ko raw siya pinakapinakinggan); nilabas ng Paramore early this year ang This is Why—at ang companion remixes/covers album nito, Re: This is Why—na labis kong nagustuhan in retrospect (may micro-review ako sa IG nito!); spillover ang Beyoncé from last year’s 10s-10s-10s-across-the-board AOTY RENAISSANCE (IG review here!) na nag-soundtrack sa ilang oras ko ring pag-e-elliptical at bicep curls.
Si Taylor Swift, naglabas ng dalawang Taylor’s Version ngayong taon—Speak Now at 1989. Baka gawan ko sila ng quick review someday, pero sa ngayon, sa tingin ko umay na ako sa kaniya, at ang resolution ko sa paghahanda ng aking 2024 Spotify Wrapped ay tangkaing alisin siya sa Top 5 ko. Nothing bad naman, gusto ko lang i-maintain kahit papaano ang aking indie cred.
Si Billie Marten, natagpuan ko lang iyan dahil sa mungkahi ng Spotify. Marahil dahil na rin may inclination ako towards Girls with Guitars, pero hindi agad-agad ang appeal sa akin nito. Lunod na ang singer-songwriter genre ng ganiyang klaseng tunog. Kadikit marahil nina Adrianne Lenker, Haley Heynderickx, Laura Marling (though apparently pareho sila ng producer!), maging siguro ‘yung general project ng boygenius girlies ay kahanay ni Marten. Ngunit wala itong mapaglarong imahen ni Lenker, o virtuoso ni Marling, ni angas nina Baker, Bridgers, at Dacus. Isang solidong album lamang siya ng mga magagandang awitin tungkol sa pag-ibig.
Nagbubukas ang album sa “New Idea,” kung saan humihimig si Marten sa ibabaw ng humihishis na tunog kasabay ng malumanay na pagkalabit ng gitara, tila inilulunsad tayo sa isang espasyong nostalhiko: lumang radyo Linggo ng hapon, o cassette tape na pinapatugtog sa isang madilim na silid. Intimate times and spaces.
Ang sumunod ay labindalawang awiting tungkol sa mapula’t matamis na pag-ibig, sariwa’t tila bagong natagpuan. Sa “God Above,” makikita wari ang Diyos sa lahat, kahit sa makasalanang pagdadaop ng palad sa palad. Sa “Willow,” dalawang puno ang nagpipilit abutin ang isa’t isa, na sinususugan ng hubad na awiting “I Bend to Him” sa gitna ng album. Sa lead single nitong “I Can’t Get My Head Around You,” alinsabay ang kaniyang pag-aming hindi maintindihan ang iniirog at ang pangungumpisal sa di-mahupa-hupa nitong pagnanasa sa kaniya dahil rito: “I can’t get my head around you, and I can’t get enough.” Ito rin ang pinaka-straightforwardly mainstream-sounding song sa lahat: mid-tempo ballad with a full band set-up, poppy guitars, at easy-going drums na nagpapamartsa sa lahat. Puwede mo itong isingit sa isang Kacey Musgraves album.
Sa paborito kong “This is How We Move” (na #1 song ko rin sa Spotify Wrapped), banayad ang entrada ng gitara. Papasok si Marten, nanginginig ngunit kalmadong ipipinta ang larawan ng isang maingat na sayaw sa pagitan ng dalawang nag-iibigan sa domestikong lunan—tahanan—at sa mababang rehistro niya’y idedeklama sa korus ang pamagat: “This is how we move” (at sa gayon, tila sinasabing, ganito kami umibig). May palahaw siya sa bridge, pero gaya ng lahat ng nagmamahal, saglit lang ito, at babalik at babalik pa rin siya sa hinahon at katahimikan, sa pagtahan.
Hindi pinakawalan ni Marten ang proyekto mula sa unang hishis ng tape recorder hanggang sa huling tipa ng gitara. Samakatuwid, solido.
***
May ginawa bang kakaiba si Billie Marten sa Drop Cherries? Tingin ko wala. Gusto ko ang simplisidad niya. Heto ang isang maliit na album tungkol sa taong nakatagpo ng pag-ibig. Marahil gets ko siya kaya ko siya gusto, na natagpuan lang ako nito in the same headspace that it aimed to depict. I was obsessed with it, though. Ilang beses ko pinigilan ang sarili ko, sa totoo lang, na i-play ang album na ito sa Spotify dahil tingin ko’y sobra-sobra na noon. Minsan sa Youtube ko pa pinatutugtog para lang hindi stacked ang play count towards her sa Wrapped. Pero lo and behold, iyon pa rin naman ang nangyari sa dulo.
So bakit pa?
Iniisip ko tuloy ano ang meron sa habit na iyon, na dati ko rin namang ginagawa. Marahil ayaw ko lang magsawa nang mabilis sa isang album. Ang isa kong teorya ay masyadong unfair para sa ibang album na pinapakinggan ko. Baka magtampo, as if they care.
Isa pang teorya: bawas sa “indie cred” na sinasabi ko kanina. Natatandaan ko noong naka-Last.fm pa ako’t iTunes at hindi Spotify ang player, at imbes na Wrapped ay Scrobbles ang sukatan ng top artists (at ng music cred), ino-off ko ang Scrobbles para makinig kay Adele o kay Lady Gaga. Kasi hello, rock-rock, indie-indie ka diyan—Radiohead, The National, Interpol—tapos top song mo, “Rumour Has It?”

Eventually, I learned how to stop worrying about the cred and learned to love the bomb (AKA, poptimism, not seeking approvals from music sites, etc.) Pero old habits die hard nga yata, kasi kahit noong pinag-iisipan ko ‘yung Top 10 albums ko this year (bilang ginagawa ko rin naman siya every year), no doubt na isa ang Drop Cherries doon. Pero kung ilalagay ko ito sa Top 1? Hindi ako sigurado.
Tingin ko kasi, pwedeng “paborito” mo ang isang bagay pero kinikilala mong hindi ito ang “pinakamaganda.” Ang tanong ngayon, kapag nagra-rank ba ako ng top albums ko every year, gaano kalaki roon ang konsiderasyon sa aking pagkagusto vs. pagkilala ng technical achievement, or whatever “objective” criteria ang gamit nila? Paborito ko ang Drop Cherries, oo, pinakapaborito sa taong ito, pero hindi ko sasabihing eto ang pinaka-achieved at critically acclaimed na album. Maraming contenders diyan: Desire, I Want To Turn Into You, Raven, the record, Heaven is a Junkyard, My Back was a Bridge for You to Cross… I could go on. Albums na mas malawak ang coverage sa mga reputable music sites kaysa Drop Cherries, na ni walang spot o mention sa Pitchfork o kay Anthony Fantano.
Regardless. Sabi ni F, “vibes lang naman ‘yan,” or something to that effect. Ultimately, akin naman ang ranking. Kung gusto ko, bakit hindi ko na lang aminin? Bakit kailangan ko pang magpakita ng semblance of objectivity?
***
Actually, lahat ‘yan ay pasakalye din sa paliwanag kung bakit matagal kong hindi nagalaw itong Tunugan. Dumaan ako sa isang “crisis” of some sorts tungkol sa pagsulat tungkol sa musika, na extensively naming pinag-usapan ni F sa mga biyahe namin together: ang rankings bilang exercise on futility, ang numerical rating bilang overly reductive, at music criticism bilang wishy-washy dahil hindi sigurado kung ilalagay ang sarili within or outside its cultural contexts. Bilang hindi naman propesyonal, hindi music scholar, at hindi nag-aral ng music journalism (though gusto ko!), wala akong depinitibong sagot, at sa tingin ko naman ay walang ganoon. Pero for a while, all of a sudden, hindi ko alam bakit ako naririto: kung hindi ako magra-rank or magre-review, ano pa ba? Nawalan ng boses ang Tunugan, at ngayon ko pa lang sinisimulan ang proseso ng paghahanap dito, kung di man paghahanap muli ay paghahanap sa wakas.
Sa ganito, binalikan ko ang mga paborito kong bahagi ng blog. For sure gusto kong nagsusulat about music, pero what in particular? On one hand, gusto ko kapag gumagawa ako ng threads sa pagitan ng mga pinapakinggan ko, o kapag sinusuri ko ang isang pangyayari vis-a-vis mga album. On the other hand, hindi ko na-e-enjoy masyado ang pagbibigay ng grado sa album. (Anuba, teacher na ako as a day job, pati ba naman sa hobby, magge-grade ako?) O kapag pressured akong maglabas ng mabilisang review sa mga pinapakinggan ko ora mismo, bagaman minsan it comes easy.
Sa madaling sabi, I just need to write what I want. Iyon din naman ang payo ni Dani: sulat ka lang, just to have momentum. Di ko alam if I’d take up the entirety of that advice, pero we’ll see.
Heto lang ang kongkreto sigurong pagbabago ngayon sa Tunugan: wala nang grado-grado, wala nang ranking-ranking o review-review with this pseudo-objective stance. In a way, alam ko na bakit ako naririto.
Vibes lang dapat ‘yan. At dito sa Tunugan, heto ang vibes ko.
***
Nasa dulo ng Drop Cherries ang title song nito, isang guitar-and-voice-only hymn na may magandang imahen: ang paghuhulog ng seresa (cherries ‘yan sa Filipino!) sa pinto ng iniibig. Ayon mismo kay Billie Marten:
It was a story I heard from a friend, talking about his experience of really profound love, wanting to do anything for this person. Something that she said to him was ‘I just want to stamp blood-red cherries onto a cream carpet.’ The next day he goes and buys a carpet and cherries. Then she says, ‘I want to bathe in a silvery bath.’ And then he runs the bath and fills it with silver glitter. The image that I wanted to portray was very much that type of love.
To corrupt Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang mas hihigit kaya?” Ang ihulog sa paanan ng iniibig ang lahat-lahat kahit magmantsa, hanggang magmantsa, bilang patunay na narito ito, ako, tayo? Na kapag nanghingi siya’y ibibigay mo. “I drop cherries at your door / when you ask for more,” sabi niya sa chorus.
Pero may interesante siyang pagbali sa second half ng chorus nito. Sa umpisa, ang sabi niya, “I don’t know what I’m here for.” Hindi ko alam bakit ako naririto. Kapag nagsisimula tayong umibig, tila tayo baguntaong di alam ang gagawin. Pero sa dulo, nagbago ang deklarasyon: “Now I know what I’m here for.” Alam ko na bakit ako naririto. Gusto kong isiping sa pag-awit ni Billie Marten niyon, hindi lang pag-ibig sa tao ang maaaring tukuyin nito, kundi pag-ibig sa anuman. Halimbawa, sa pagsulat, o di kaya’y sa musika. •